BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Friday, August 23, 2013

Itim na Aklat ni Orug Jr.

Halos mabasag ang ininumang baso ni Temyong nang kanya itong ibaba sa mesa matapos marinig ang balita ni Paeng. "Mga walang konsensya!" ang bulalas ng lider ng mga manggagawa ng Hacienda Tierra.

"Maghulos-dili ka, Temyong. Baka marinig ka ng mga kapit-bahay," awat ng kanyang asawang si Melinda.

"Matagal nang dapat nasa atin ang mga titulo ng lupa. Pero ilang taon na ang nalipas. Marami na katiwala ang pinadala dito. Pero pare-pareho silang lahat! Tayong maliliit na manggagawa ang pinapatay nila sa gutom. Mabuti kung tayo lang. Mayroon tayong mga pamilyang pinalalamon." nangingilig na tinig ni Temyong.

"Sabi sa bayan, nakatakda na daw ang pamimigay ng mga titulo." paliwanag ni Paeng. "Ngunit narinig ko ang kumpare ko sa Casa na pinipigil daw ng katiwala ang pamamahagi na dapat noong isang buwan pa ginawa."

"Baka naman marami pang tanggapan ang dapat daanan ng mga titulo," mahinahong paglilinaw ni Melinda. "Hindi ba ganoon talaga sa mga opisina?"

"Tumigil ka!" pigil ng asawa. "Hindi ako tanga! Harap-harapan na ang kanilang panluluko, hindi pa ba kayo nakakahalata!"

"Temyong, ano kaya kung maki-usap tayo na baka naman magawan nila ng paraan." pakli ng asawa."

"Siya nga, pare. Baka mapaki-usap ko si Bado, yung kumpare ko sa munisipyo." pagsang-ayon ni Paeng.

"Pagkatapos ano! Hihingi sila ng kapalit? Kabahagi? Kaparte? Pampadulas? Ano pa ang gusto ninyong itawag ko doon! Marami na ang gumawa ng ganoong pagkakamali dati. Uulitin pa ba natin? Hangga't mayroong sila nalilinlang, hindi sila titigil. Hangga't walang umaangal, hindi sila paaawat. At hangga't wala pumahampas sa kanilang mga ulo, hindi sila magigising sa katotohanan na masama ang kanilang ginawang panlalamang sa kapwa."

0 comments: